日本語 English 中文 Hangle Espanol Portugues Tagalog
Multilingual Living Information
Preface Member of Editiorial Board
TGF03

3
Botika/parmasya
Para gumaling ang sakit, uminom ng gamot. Dahil may mga gamot na maaaring magdulot ng mga side effect o masamang reaksyon, kailangang sapat na mag-ingat kapag uminom ng gamot. Ilalahad dito ang tungkol sa paggamit ng reseta o shohousen, mga gamot na nabibili na walang reseta at ang paraan ng paggamit ng gamot.
3-1 Pagkakaiba ng parmasyang humahawak ng niresetang gamot at ng pangkaraniwang botika
Sa mga lugar kung saan ipinagbibili ang gamot sa Japan, may dalawang uri ng lugar, ang yakkyoku, na parmasyang humahawak ng niresetang gamot at ang yakuten, na pangkaraniwang botika. Ang pagkakaroon ng pharmacist at kung maaaring maghanda ng gamot ayon sa pagrereseta ng duktor ang lugar ang pagkakaiba ng dalawang ito.

Parmasyang humahawak ng niresetang gamot (yakkyoku) Bukod sa napagbibilhan ng pangkaraniwang gamot, maaari ding maghanda ng niresetang gamot. Nakasulat sa pangalan ang Chinese character na 薬局 tulad ng 「○○薬局」.
Pangkaraniwang botika (yakuten) Bagamat maaaring mapagbilhan ng gamot, hindi maaaring maghanda ng niresetang gamot. Madalas gamitin ang mga pangalan tulad ng 「○○ドラッグ」 at 「○○薬店」.
3-2 Pagbili ng gamot
Kapag masama ang inyong pakiramdam pero sa inyong palagay, hindi naman kinakailangang pumunta sa duktor, maaaring bumili ng pangkaraniwang gamot tulad ng gamot para sa sakit ng ulo, sipon o sakit ng tiyan sa yakkyoku o parmasyang humahawak ng niresetang gamot at sa yakuten o pangkaraniwang botika. Hindi ito sakop ng health insurance ang mga gamot na ito kaya bayaran ito sa sariling gastos.
Sa kabila nito, upang ipahanda ang niresetang gamot o shohousen na ipinagkaloob ng duktor, tumungo sa yakkyoku o parmasyang humahawak ng niresetang gamot. Kapag miyembro ng health insurance plan, sakop ng insurance ang bayad sa niresetang gamot kaya bahagi lamang ang inyong babayaran. Ngunit tandaan na kapag hindi naman nakasaad ang bisa ng reseta, 4 na araw lamang ito magagamit simula ng araw na ipinagkaloob ito. Kapag lumampas na sa araw ng pagkawalang-bisa, kailangang muling magpakonsulta sa duktor upang maipagkaloob muli ng reseta. Kahit sa mga gamot na nireseta sa inyo sa nakaraan, para muling makabili nito, kinakailangang magpakonsulta uli sa duktor upang maipagkaloob ng reseta. Hindi maaaring bumili ng niresetang gamot kapag wala nito.
3-3 Paraan ng paggamit ng gamot
Sa yakkyoku at yakuten, maaaring makatanggap ng paliwanag mula sa pharmacist tungkol sa tamang paraan ng paggamit o pag-inom ng gamot, pag-iingat sa paggamit nito at tungkol sa mga side effect o masamang reaksyon. Gayunman, walang interpreter sa mga lugar na ito kaya minamabuting magsama ng marunong magsalita ng wikang Hapon. At dahil sa wikang Hapon lamang nakasulat ang paliwanag sa paggamit ng gamot, kapag hindi ninyo maintindihan ang nakasulat, maghanap ng taong makakapagsalin para sa inyo.


CLAIR