
|
Gastos sa panganganak at iba’t-ibang uri ng benepisyo |
|
Dahil sa hindi kasama ang normal na panganganak sa health insurance, malaki ang gastos kapag isasama pa ang regular medical checkup sa panahon ng pagbubuntis. Sa loob ng 14 na araw mula nang isilang ang bata, kailangang ipadala ang sertipiko sa pagrehistro ng kapanganakan (shusshou todoke). Alamin ang gastusin sa panganganak at ang mga kailangang isagawang proseso o hakbang.
3-1 Health insurance (kenkou hoken) at gastos sa panganganak
Dahil hindi naman sakit ang pagbubuntis at panganganak, hindi kasama ang normal na panganganak sa health insurance. Maaga pa lang ihanda na ang maaaring maging gastusin. Aabot ng isang linggo ang pagpasok sa ospital sa Japan para sa panganganak at mangangailangan ng 300,000 hanggang 500,000 yen. Pagkatapos ng panganganak, tulad sa ilalahad sa mga sumusunod, kapag nag-apply sa consultation window o sanggunian para sa mga miyembro ng health insurance plan at ng National Health Insurance, makakatanggap ng lump-sum birth allowance (shussan ikuji ichijikin) pagkatapos ng 1 hanggang 2 buwan.
|