
|
Mga tuntunin, kaugalian at kasanayan sa pamumuhay |
|
2-5 Kasanayan sa pang-araw-araw: Pagligo (furo)
(1) Sa bahay
Ang mga paliguan sa loob ng bahay sa Japan ay nahahati sa dalawang parte, ang bath tub at ang paliguan. Ang paliguan ay ang parte kung saan hinuhugasan ang katawan at ang buhok. Pagkatapos maligo o hugasan ang buong katawan, lumulublob ang mga Hapon sa pinainit na bath tub upang maipahinga ang katawan.
Ang karamihan ng pamilya sa Japan kapag gumagamit ng bath tub ay hindi tinatapon kagad ang mainit na tubig hangga’t hindi pa nakagamit ang pinakahuling miyembro ng pamilya. Kung kaya’t siguraduhing malinis ang katawan kung gagamit ng bath tub dahil marami pang gagamit nito. Ang tubig na ginamit ay maari ding gamiting tubig panlaba at magagamit din kung lumindol at kapag nagkaroon man ng iba pang kalamidad.
Mabilis magkaroon ng amag sa Japan dahil sa mataas ang humidity kaya linisin nang maagi ang paliguan.
(2) Sa pampublikong lugar (sentou o public bath)
Kung walang paliguan sa bahay, maaring gumamit ng sentou na may bayad na pampublikong paliguan. Ito ay nahahati sa pambabae at panlalaki, pangkalahatan ang paggamit dito. Maliban sa maliit na tuwalya, ang mga sabon at iba pang kakailanganin ay kailangang baunin. Siguraduhing malinis na malinis na ang buong katawan bago gumamit ng pampublikong paliguan upang mapanatili ang tubig para sa iba pang mga gagamit nito. Iba-iba ang presyo at ang oras ng paggamit ng sentou ngunit ito ay karaniwang magagamit mula alas-3 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi, ang bayad ng isang matanda ay umaabot ng 400 yen.
Ang mga tinatawag na super sentou at kenkou rando ay mayroong mga iba’t-ibang klaseng paliguan at sauna ngunit mahal din ang presyo dito (mula 800 yen hanggang 2000 yen).
Mayroon ding mga sentou na hindi nagpapapasok ng mga taong mayroong tattoo.
|