
1-7 Iba pang halimbawa ng panahon ng emerhensiya o mga di inaasahang pangyayari (kawalan ng gamit, atbp.)
(1) Kapag nawalan ng pasaporte
Magpagawa kaagad ng sertipikong nagpapatunay na nawalan ng gamit (ishitsu todoke shoumeisho) sa malapit na himpilan ng pulis kapag nawalan ng pasaporte. Pagkatapos nito ay ilakad ang proseso upang mabigyan muli ng bagong pasaporte sa embahada ng inyong bansa na nasa Japan. Upang mabigyan muli ng bagong pasaporte, kinakailangan ang numero ng pagtanggap ( juri bangou) na nakasaad sa sertipikong nagpapatunay na nawalan ng gamit kaya’t dapat itong isulat o dapat magtago ng kopya ng sertipikong ito.
(2) Kapag nawalan ng alien registration card
May mga personal na impormasyon sa alien registration card kaya may posibilidad na magamit ito sa hindi magandang paraan ng kung sino mang nakapulot. Dahil dito, kinakailangang ipahayag kaagad sa himpilan ng pulis ang pagkawala nito at kinakailangan ding ilakad ang proseso upang mabigyan muli ng bagong alien registration card sa munisipyong malapit sa tinitirhan sa loob ng 14 na araw pagkatapos mawala ito.
Kailangan ding magpagawa ng bagong alien registration card kung ito ay nasira. Sa kasong nasira ito, dalhin ang lumang alien registration card sa munisipyo at magpagawa ng bago. (Basahin ang B Alien registration 5-1 Pag-aplay ng panibagong alien registration card para sa iba pang detalye.)
(3) Kapag nawalan ng ATM card
Magpagawa kaagad ng sertipikong nagpapatunay na nawalan ng gamit (ishitsu todoke shoumeisho) sa malapit na himpilan ng pulis kapag nawalan ng ATM card. Pagkatapos nito ay kaagad ipatigil nang panandalian sa bangko o credit card company ang serbisyo.
(4) Kapag may naiwan o nawawalang gamit
Pumunta sa nalalapit na himpilan ng pulis at magtanong ukol sa gamit na naiwan o nawawala. Kung sa tren o bus naiwan o nawala ang gamit, maaaring diretsong magtanong sa tagapamahala sa estasyon o kumpanya ng tren o bus.
Lahat ng bagay na naiwan o nawala na dinala sa presinto o himpilan ng pulis ay mananatiling nandoon nang 6 na buwan o 2 linggo. Kapag hindi ito kinuha ng may-ari sa loob ng 6 na buwan o 2 linggo, ang kung sino mang nakapulot nito ang magmamay-ari nito. Kaya’t kapag nawalan ng bagay, ipahayag ito kaagad sa presinto o himpilan ng pulis.
|